home   |   artworks   |   critique  |   artist bio     
       
       
       
     
       
   

Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas sa paggawad ng 2009 at 2014 Gawad Orden ng Pambansang Alagad ng Sining

[Inihayag sa Palasyo ng Malacaņan, Lungsod Maynila, noong ika-14 ng Abril 2016]
(Photographs courtesy of Contemporary Art Philippines)


Ngayong hapon, nagtitipon po tayo upang parangalan ang ating mga bagong Pambansang Alagad ng Sining. Ito nga po ang pinakamataas at pinaka-prestihiyosong pagkilala sa mga Pilipinong naghandog, at patuloy na naghahandog ng makabuluhang ambag sa sining—silang mga indibidwal na nagpamalas ng pambihirang husay, di lamang sa kani-kanilang mga larangan, kundi maging sa paghubog ng ating pambansang dangal at pagkakakilanlan.

Ang araw na ito ay isa ring pagdiriwang sa kolektibong tagumpay ng ating lahi. Sagisag ito ng husay ng Pilipino, kasama na ang makulay at mayamang sining ng ating bansa.    

Ang madalas nga pong tanong: Ano ba ang halaga at ang layunin ng sining? Bakit ito pinaglalaanan ng panahon, at para sa ilan, ng kanilang buong buhay? Bakit kailangan itong panatilihin o payabungin?

Matagal na nga po itong usapin; matagal na ring nagbubungguan ang nagkakaibang pananaw: ang tinatawag na “art for art’s sake” at “art for man’s sake.” Ang akin po, hindi maikakahon ang halaga ng sining sa paglikha lamang. Bawat larawan, bawat musika, bawat akda, may nakapaloob na kuwento ng pagsisikap, ng sakripisyo, at ng pagmamahal sa kinabibilangang larangan, na siyang nagbubunga sa isang positibong resulta, di lamang para sa sarili, kundi pati na sa kapwa at lipunan.

Nagkakaisa rin po siguro tayong lahat, na kapag sinabi nating National Artist, hindi ito medalyang basta lang iniaabot sa sinuman. Ibig pong sabihin, kinikilala natin ang mga Pambansang Alagad ng Sining, hindi lamang sa husay nilang gumanap o lumikha, ngunit dahil kinakatawan din nila ang pinakamabubuting katangian ng ating lahi.  

Bukod sa pagiging pinakamagagaling na pintor, manunulat, musikero, mananayaw, artista, at iba pa, higit sa lahat, mabuti silang Pilipino.

Nariyan po si Dr. Cirilo Bautista, sa kanyang natatanging ambag sa pagpapaunlad ng sining pampanitikan, at pagbabahagi nito sa mas nakababatang henerasyon;
Si Lazaro Francisco, sa kanyang mga klasikong panitikang nagsusulong ng nasyonalismo, at nagpayaman ng Wikang Pambansa,  

Si Federico Aguilar Alcuaz, sa kanyang pambihirang kahusayan sa Sining Biswal, sa pagpipinta man, eskultura o mixed media;

Si Francisco Coching, sa kanyang mga akdang komiks na tumatalakay sa kultura ng mga Pilipino at mga usaping panlipunan;

Si Dr. Francisco Feliciano, na nagpakilala ng ating katutubong musika, di lang sa Asya, kundi maging sa buong mundo;

Pinaparangalan din natin si Alice Reyes. Bilang mananayaw, choreographer, guro at direktor, isinulong at pinaunlad niya ang kontemporanyong sayaw sa bansa;  

Si Dr. Ramon Santos, sa kanyang di-matatawarang pananaliksik at pagsusulong ng modernong musika na nakaugat sa tradisyonal musika sa Asya;

Si Jose Maria Zaragoza, sa pagsisilbing pundasyon ng modernong arkitektura sa bansa, lalo na sa mga relihiyosong estruktura;

At si Manuel Conde, sa kanyang mga pelikulang sumasalamin sa ating kaugalian, kasaysayan at mga isyu ng lipunan na patuloy na nagpapamulat sa nagdaan at kasalukuyang henerasyon.

Sa ating mga Pambansang Alagad ng Sining: Alam kong hindi sasapat ang anumang medalya, anumang bansag, anumang makukulay na salita, sa inyong naging ambag sa inyong larangan at sa ating lipunan. Sa mga nagdaang taon, naging bantayog ng inspirasyon ang inyong mga katha at obra; huwaran kayo ng puspusang dedikasyon, noon, ngayon, at maging sa susunod pang henerasyon. Nagpakadalubhasa man ang marami sa inyo sa ibang bansa, pinili pa rin ninyong bumalik at ibahagi ang inyong nalalaman sa sariling bayan. Naabot man ninyo ang tuktok ng inyong propesyon, hindi kayo basta lang nakuntento, sa halip, patuloy ninyong pinagyaman ang inyong mga kaalaman at kakayahan. Kaya naman, buong-karangalan po akong humaharap sa inyo ngayon, at taos-pusong tumatanaw sa inyong dakilang kontribusyon: Sa inyong lahat, maraming-maraming salamat po.

Tunay nga: Sa pagbabahagi ng inyong obra at talento, nagsisilbi kayong tulay at inspirasyon sa pag-usbong ng marami pang mahuhusay na Pilipino. Sa pagbubukas-palad at pag-aalay ninyo ng sarili, napapanatili at lalo nating napapayabong ang ating kultura at pagkakilanlan.
Sa ganitong prinsipyo rin nakatuntong ang ating paglilingkod-bayan. Nakatutok tayo, hindi sa pansariling interes, kundi sa kapakanan ng mas nakakarami. Sa bawat pagkakataon, ibinubuhos natin ang ating buong lakas upang isulong ang minamahal nating bansa.

Sa pagsasabuhay sa halimbawang ipinamalas ng ating mga pinarangalan, at sa patuloy na pakikiambag ng sambayanan, talaga naman pong abot-kamay na natin ang isang mas maunlad at disenteng bukas.

Maraming-maraming salamat po sa inyong pagpapanatili ng pagsasalarawan at pagsasaisip ng ating mga kababayan, na talaga naman pong ating kinamulatan ay hindi kailangang maging permanente, ngunit puwede pa nating pagandahin nang pagandahin. Salamat sa pagpapanatili ng inspirasyon sa aming lahat.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.



Photo credits: GOVPH